3 taxi hinoldap, kinarnap sa QC

MANILA, Philippines - Tatlong taxi ang tinangay ng mga armadong kalalakihan sa insidente ng panghoholdap at pangangarnap sa loob lamang ng limang oras sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Nagsimula ang insidente ng robbery at carnapping ng taxi ganap na alas-11:00 ng gabi, hanggang alas-4 ng madaling-araw nitong Miyerkules.

Ayon sa ulat, unang nangyari ang insidente sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Culiat sa lungsod ganap na alas-11:45 ng gabi.

Dito ay hinoldap at ti­nangay ng dalawang arma­dong suspect ang Ryan Patricia taxi (TYD-150) na pinapasada ng driver na si Nolli Aboy, 30.

Ganap na alas-2:23 ng madaling-araw naman nang holdapin at tangayin ng apat na armadong suspect ang Toyota Vios taxi (UVC-229) ng driver na si Randy Jime­nez, 36, sa may EDSA corner Main Avenue sa lungsod.

Ilang oras ang nakaka­lipas, ganap na alas-3:45 ng madaling-araw nang mapa-ulat ang panghoholdap at pagtangay din ng tatlong armadong suspect sa R&E Taxi (UVF-938) na pinapasada ng isang Ronnie Burga, 33, sa kahabaan ng Katipunan Avenue.

Ayon sa ulat, halos magkakaparehas lamang ang estilo ng mga suspect sa kanilang pagsalakay kung saan pawang nagkunwa­ring mga pasahero ang mga ito at nang makakuha ng tiyempo ay saka nagdeklara ng holdap.

Bukod sa taxi ay tinangay din ang mga kita ng mga biktima na may kabuuang halagang P5,000.

Show comments