MANILA, Philippines - Nagbabala ang Quezon City Police District sa publiko laban sa isang mag-asawa na nandudukot ng mga sanggol matapos na marekober ang isang 10-buwang gulang na sanggol na kanilang dinukot tatlong araw na ang nakakalipas sa lungsod, iniulat kahapon.
Ayon sa Police Station 2 ng QCPD, ang mga suspect na kinilala sa mga alyas na Jonathan at Jinky Celeste ay target ngayon ng hot pursuit operation matapos na makatakas sa isang follow-up operation sa Kaingin Malolos, Bulacan kung saan narekober ang nasabing sanggol.
Narekober ang sanggol ng tropa ng Follow-Up Unit ng PS2 sa pamumuno ni Police Insp. Christopher Jael matapos na idulog sa tanggapan ang pagkawala nito ng inang si Araceli Tuyor, 30, noong September 25, 2011.
Sa imbestigasyon, ang sanggol ay dinukot ng nagpakilalang mag-asawang suspect matapos na kaibiganin ng mga ito si Araceli.
Bago ito, nagpunta umano ang mga suspect sa bahay ng biktima sa Camata St., San Roque 2, Brgy. Bagong Pagasa at kinaibigan si Araceli.
Hindi nagtagal ay nakuha ng mga suspect ang tiwala ni Araceli hanggang sa ipagkatiwala na rin niya ang kanyang sanggol sa mga ito na alagaan, habang nakikipagkwentuhan naman siya sa mga kapitbahay.
Sa puntong ito, itinakas ng mga suspect ang sanggol at dinala sa hindi mabatid na lugar. Huli na nang malaman ni Araceli na nawawala ang kanyang anak.
Agad na nagsagawa ng hot-pursuit operation ang tropa upang hanapin ang mag-asawang kidnapper hanggang sa matukoy na dinala ang sanggol sa may Brgy. Kaingin, Malolos Bulacan at sa pagsalakay ay narekober ang beybi ganap na ala-1:00 Miyerkules ng hapon.
Wala naman doon ang mag-asawang suspect.