MANILA, Philippines - Matapos na manalasa ang bagyong Pedring, binabalak ng lokal na pamahalaan ng Maynila na i-relocate ang may 20,000 informal settlers na naninirahan sa mga danger zones sa lungsod tulad ng paligid ng mga estero upang mailayo ang mga ito sa panganib, partikular sa panahong may bagyo.
Binigyan-diin ni Manila Mayor Alfredo Lim, naghahanap na sila ng iba’t ibang opsyon para sa kapakanan ng mga naturang residente.
Aminado ang alkalde na hindi nila kaagad na maialis ang mga residente sa kanilang mga tirahan sa paligid ng estero at iba pang daanang-tubig hanggang wala pang nakikitang relocation site para sa kanila ang city government.
Ang balakin ay kasunod nang pananalasa sa bansa ni bagyong Pedring kung saan libu-libong pamilya sa lungsod partikular ang mga naninirahan sa paligid ng estero at tabi ng Manila Bay, ang sapilitang inilikas ng lokal na pamahalaan upang maiiwas ang mga ito sa panganib.
Pansamantalang inilipat ang mga ito sa evacuation centers tulad ng Del Pan Sports Complex at Pedro Guevarra Elementary School. Tiniyak naman ni Lim na nakikipag-ugnayan na sila sa National Housing Authority (NHA) upang mabigyan ng lugar na mapaglilipatan ang mga residente na ikinukonsiderang nasa danger zones.