MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang nangyari sa isang lalaki na biktima ng hit-and-run na imbes na tulungan ay pinagnakawan pa sa Cubao, Quezon city kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay PO3 Perlito Datu ng Traffic Sector 3 ng QCPD, dahil nanakaw ang gamit ng biktima at itinira lamang ang bag nito na may lamang mga damit, inilarawan lamang ang nasawi sa edad na 35-45 anyos, may taas na 5’4’’, katamtaman ang pangangatawan, at nakasuot ng puting long sleeves, itim na pants.
“Walang itinirang gamit sa biktima, maliban sa bag, disente ’yung tao, kaya imposibleng wala itong dalang pitaka, mayroong naiwang battery ng cellphone, pero ’yung mismong cellphone wala,” sabi pa ni Datu.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay sinasabing nabundol ng isang SUV na may plakang NIO-918 sa may south-bound Cubao, sa Brgy. Immaculate Concepcion ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Bago ito, kabababa pa lamang umano ng biktima sa sinakyan nitong pampasaherong bus sa may gitna ng center island sa nasabing lugar at papatawid patungo sa gilid ng bangketa nang biglang sumulpot ang SUV at mabundol ito.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa kalsada saka pumailalim sa nakaparadang City Star taxi sa lugar. Habang ang nakabundol na SUV, sa halip na bumaba ay tumakas papalayo.
Agad namang rumesponde ang Philippine Red Cross rescue team at agad na hinugot sa ilalim ng taxi ang biktima saka itinakbo sa may East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas, subalit makalipas ang alas-3:46 ng madaling-araw ay idineklara itong patay.
Sinabi ni Datu, sa ngayon ay pinatutukoy na nila sa LTO ang may-ari ng nasabing SUV.