Trader tinodas sa loob ng bahay
MANILA, Philippines - Patay ang isang trucking owner matapos barilin ng dalawa sa apat na kalalakihan habang nagpapahinga sa loob ng kanyang bahay sa Navotas City kahapon ng umaga.
Dead on the spot ang biktimang si Edwin Albaran, 54, ng Block 33-C, Lot 33, Tumana, Brgy. NBBS ng nasabing lungsod na nagtamo ng maraming tama ng bala ng .45 kalibre ng baril.
Nagsasagawa naman ngayon ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaril at ang pagkakakilanlan ng mga suspect.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Michael Mortel, ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong 10:30 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima.
Kasalukuyang nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang bahay kasama ang kanyang live-in partner na si Aiyen Fuentes, 28, nang puwersahang pasukin ng dalawa sa mga suspect na armado ng naturang baril.
Agad na pinagbabaril ng mga suspect ang biktima at nang matiyak na patay ay saka nagsitakas ang mga ito gamit ang dalawang motorsiklo na hindi nakuha ang plaka.
- Latest
- Trending