Rambulan ng magkakamag-anak:1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang rambulan ng magkakamag-anak dahil sa awayan sa bahay at lupa makaraang sumpakin at mapatay ang isang 11-anyos na batang lalaki at sugatan naman ang isa pa na naganap kamakalawa sa Makati City.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Makati ang biktimang si Aljohn Raza, ng Brgy. East Rembo ng nabanggit na lungsod sanhi ng tinamong tama ng bala ng sumpak sa leeg.
Nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit ding pagamutan si Eduardo Darang, 21, nakatira pa rin sa nabanggit na lugar, na nagtamo ng ilang saksak sa katawan.
Samantala, nakakulong na sa Makati City Police detention cell at nahaharap sa kasong murder ang mag-aamang suspek na sina Filomino Darang, 62; mga anak na sina Jurisdick, 28; at Peejay, 17, pawang mga residente sa nabanggit pa ring lugar. Pinaghahanap pa si Judiciary Darang, 29.
Base sa salaysay ni Alex Raza, 35, isang construction worker, ama ng biktimang si Aljohn, iisang pamilya lamang sila ng mga suspek kung saan dakong alas-6:00 ng umaga sa loob ng compound ng #179-ZB, 24th Avenue, Brgy. East Rembo, Makati City, nakita niyang ginugulpi ang kanyang pamangkin na si Dave Noel Raza, ng mag-aamang suspect.
Ipinagtanggol naman umano ng kanyang pamangkin na si Dave Noel ang kanyang sarili hanggang sa nasaksak nito si Eduardo. Pupuntahan sana ito ni Alex para sawayin, ngunit nakita na lamang niya na tumakbo at pumasok sa kanilang bahay ang pamangking si Dave Noel na naging dahilan upang habulin ng mag-aamang Darang na may mga dalang ice-pick, martilyo, malalaking bato, kutsilyo at sumpak.
Puwersahang pumasok sa loob ng bahay ang mag-aamang suspek hanggang sa pinaputukan ang pamilya Raza na dito tinamaan sa leeg ang biktimang si Aljohn. Nabatid na matagal nang may alitan ang pamilya Raza at Darang, dahil pinag-aawan nila ang iisang bahay at lupa na matatagpuan sa nabanggit na lugar.
- Latest
- Trending