MANILA, Philippines - Isang 48-anyos na matandang dalaga na sinasabing police asset ang iniulat na napaslang matapos barilin sa ulo ng hindi kilalang lalaki habang ito ay natutulog sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Longos, Malabon City kamakalawa ng gabi. Kinilala ang biktimang si Marilyn Cellon ng Block 9, Lot 6, Phase 2, Area 3, Hito Street sa nabanggit na barangay. Sa imbestigasyon ni P01 Benjamin Sy Jr., naganap ang krimen dakong alas-10:30 ng gabi kung saan pinasok ng armadong lalaki ang bahay ng biktima saka isinagawa ang pamamaril. Ayon sa kapitbahay ng biktima, may pumasok na matangkad na lalaki na may tattoo sa kanang balikat kung saan narinig na lamang ang putok ng baril.