Pekeng PRC official, timbog sa NBI

MANILA, Philippines - Dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang isang babae na nagpapakilalang opisyal ng Professional Regulation Commission (PRC) sa panloloko ng mga nursing graduates na gustong makakuha ng professional license.

Kinilala ni NBI director Magtanggol Gatdula ang suspect na si Armi Liguid, alyas Amelia Empaynado na nambibiktima ng mga nursing graduates simula pa noong 2001.

Ayon kay Gatdula, nagpapakilala ang suspect na si Amelia Empaynado at isang opisyal ng PRC.

Nabatid na isinagawa ang operasyon sa isang fast-food chain sa Mendiola bunsod na rin ng mga reklamo ng mga nursing graduates na biktima ni Liguid.

Karamihan umano sa mga biktima ni Liguid ay mga hindi nakapasa sa board examinations. Nagpapakilala si Liguid na isang director ng license examination office ng PRC kung saan hinihingan nito ng P50,000 ang kanyang biktima sa paniniyak na makakapasa ito ng board exam.

Kasalukuyang nakapiit sa NBI si Liguid habang inihahanda ang kasong estafa at fraud.

Show comments