Dahil maraming parukyano, mag-amang magtataho, gulpi-sarado
MANILA, Philippines - Isang mag-amang magtataho ang malubhang nasugatan makaraang pagtulungang bugbugin at saksakin ng lima nilang kabaro na nagselos dahil ang mag-ama lamang ang maraming parukyano sa pagbebenta ng taho sa kainitan ng transport strike kahapon sa lungsod Quezon.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Mariano Berdaje Sr., 56, at anak nitong si Junior, 26, kapwa residente sa Lawin St., Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ayon sa pulisya, nagsasagawa na sila ng follow-up operation laban sa limang magtatahong suspect sa naturang karahasan.
Nangyari ang insidente sa may harap ng Lung Center of the Philippines sa kahabaan ng Quezon Avenue, Brgy. Central ganap na alas-5 ng umaga.
Dahil estranded ang maraming mga pasahero bunga ng transport strike, naging tsansa ng mga magtataho tulad ng mag-amang biktima na magkaroon ng malaking kita kung saan pumuwesto ang mga ito sa nasabing lugar.
Dito ay nagkaroon ng maraming parukyano ang mag-ama at nang makita ng mga suspect, ito ay nainggit sa kanila dahilan para sila pagtulungang bugbugin.
Hindi pa nasiyahan, isa sa mga suspect ang nagbunot ng icepick at tinarakan ng saksak si Junior sa katawan.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspect habang agad namang itinakbo sa ospital ang mga biktima kung saan sila nilalapatan ng lunas.
- Latest
- Trending