MANILA, Philippines - Isang sinasabing dayuhang bisita sa isang five-star hotel sa Makati City ang nasawi makaraang mahulog sa isa sa mga palapag ng naturang gusali kahapon ng umaga.
Hindi rin mabatid pa ang pagkakakilanlan sa naturang biktima dahil sa pagtanggi ng hepe ng Investigation Division ng Makati Police na si Chief Insp. Fred Dela Cruz na magbigay ng impormasyon sa mga mamamahayag sa naturang insidente.
Natuklasan lamang ang insidente nang mapansin ng grupo ng mga mamamahayag na dumalo sa isang pulong-balitaan sa Hotel sa may Pasay Road, Makati ang pagresponde ng mga tauhan ng Makati Scene of the Crime Operatives (SOCO) dakong alas-11 ng tanghali.
Tumanggi rin maging ang mga tauhan ng SOCO na magbigay ng impormasyon matapos na aminin na isang guest ng hotel ang nalaglag sa gusali.
Samantala, dakong ala-1 naman ng hapon nang isang lalaki rin ang tumalon naman sa isang overpass sa EDSA-Ayala Avenue , Makati. Himalang nabuhay naman ang naturang lalaki na nagtamo lamang ng mga galos sa katawan ngunit isinugod rin sa Ospital ng Makati ng mga rumespondeng awtoridad.
Wala namang makitang dokumento na pagkakakilanlan sa biktima sa katawan nito ngunit nakuha sa mga bulsa ng shorts nito ang ilang tinuping papel na maaaring gamit sa paghithit ng iligal na droga.