MANILA, Philippines - Tatlong tauhan ng Manila Police District (MPD) ang inaresto ng kanilang mga kabaro sa isinagawang entrapment operation makaraang ireklamo ng isang ginang hinggil umano sa pangongotong sa kanyang mister ng halagang P50-libo, kapalit umano ng kalayaan sa kaso ng iligal na droga sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling- araw.
Kasalukuyang pinipigil sa MPD-General Assignment Section ang mga suspect na sina PO1 Renato Martinez, SPO1 Gary June Gading at PO2 Fernando Coloma na kapwa nakalataga rin sa nasabing tanggapan.
Isinuplong umano ng isang Annie Cruz sa kanyang pinsan na si PO1 Archie Santiago, miyembro ng San Juan Police, ang insidente at ipinarating ng huli kay MPD-GAS C/Insp. Marcelo Reyes ang insidente.
Una umanong tinawagan si Annie ng mga pulis matapos damputin ang kanyang mister na kinilalang si Benjamin Cruz, sa kasong may kaugnayan sa pagtutulak umano ng iligal na droga.
Dakong ala-1 ng madaling-araw kahapon nang isagawa ang entrapment sa Plaza del Carmen at Legarda St., Sampaloc, kung saan inaresto ang mga suspect na pulis.