MANILA, Philippines - Arestado ang isang kagawad ng pulisya matapos na ireklamo ng pamamaril ng kanyang tiyuhin sa lungsod Quezon, iniulat kahapon. Kinilala ang dinakip na pulis na si PO2 Ramiro Estacio, 38, nakatalaga sa Police Station 8 ng Quezon City Police District (QCPD) at residente ng Brgy. San Isidro, Galas sa lungsod kaugnay sa reklamong frustrated homicide ng kanyang tiyuhing si Jobet Albao, 43, isang tricycle driver, ng Sampaloc, Manila. Nangyari ang insidente habang ang biktima ay nakapila sa paradahan ng tricycle na matatagpuan sa Liberation St. sa nabanggit na lugar, ganap na alas-10 ng umaga. Mula rito ay dumating umano ang pulis at galit na galit na pinagsisigawan ang tiyuhin. Inawat umano ng ilang tricycle driver si Estacio, ngunit sa halip na sumunod ay nagbunot ito ng baril at binaril ang tiyuhin na tinamaan sa kanang braso. Matapos ang pamamaril ay pinagbantaan pa ni PO2 Estacio ang tiyuhin na papatayin ito. Agad na humingi na ng tulong sa himpilan ng pulisya si Albao at ipinaaresto ang pamangkin. Hindi naman malinaw kung ano ang motibo sa sigalot ng mag-tiyo na nauwi sa pamamaril ng suspect na pulis.