MMDA atras sa pag-aarmas sa kanilang traffic enforcers

MANILA, Philippines - Matapos na makatanggap ng negatibo at ma­tabang na reaksyon partikular sa Malacañang, iniatras na muna ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) ang panukalang pag-a­armas sa kanilang mga traffic enforcers­.

Sinabi ni Tina Velasco, tagapagsalita ng MMDA, ibabalik muna nila sa masusing pag-aaral ang isyu sa pag-aarmas sa kanilang mga ta­uhan at hindi umano gagawa ng biglaang desisyon.

Hina­hanapan umano nila ng balanseng solusyon ang pagnanais na maprotektahan ng kanilang mga enforcers ang mga sarili habang mapipigilan sila na umabuso.

Naiintindihan naman umano nila ang mga pana­naw ng iba’t ibang sektor lalo na ang punto na maaari ring umabuso ang kanilang mga enforcers kapag may armas ng baril.

Sa kasalukuyan, isusulong muna ng MMDA ang pag-aaral ng “martial arts” sa kanilang mga tauhan at pagkakaroon ng “buddy system” sa mga lansangan upang maprotektahan ang kanilang mga sarili.

Matatandaan na pina­lutang ng MMDA ang isyu ng pagnanais na mag-armas ang mga enforcers makaraang barilin ng isang motorista ang isa nilang tauhan na si Larry Fiala sa Mandaluyong City.

Una na rin na nagpanukala noong 2007 si dating MMDA Chairman Bayani Fernando na armasan ng itak ang mga traffic enforcers.

Naging matabang naman ang pagtanggap dito ng Malacañang habang tumutol din maging ang gun advocate na PROGUN sa naturang suhestiyon.

Show comments