MMDA atras sa pag-aarmas sa kanilang traffic enforcers
MANILA, Philippines - Matapos na makatanggap ng negatibo at matabang na reaksyon partikular sa Malacañang, iniatras na muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang pag-aarmas sa kanilang mga traffic enforcers.
Sinabi ni Tina Velasco, tagapagsalita ng MMDA, ibabalik muna nila sa masusing pag-aaral ang isyu sa pag-aarmas sa kanilang mga tauhan at hindi umano gagawa ng biglaang desisyon.
Hinahanapan umano nila ng balanseng solusyon ang pagnanais na maprotektahan ng kanilang mga enforcers ang mga sarili habang mapipigilan sila na umabuso.
Naiintindihan naman umano nila ang mga pananaw ng iba’t ibang sektor lalo na ang punto na maaari ring umabuso ang kanilang mga enforcers kapag may armas ng baril.
Sa kasalukuyan, isusulong muna ng MMDA ang pag-aaral ng “martial arts” sa kanilang mga tauhan at pagkakaroon ng “buddy system” sa mga lansangan upang maprotektahan ang kanilang mga sarili.
Matatandaan na pinalutang ng MMDA ang isyu ng pagnanais na mag-armas ang mga enforcers makaraang barilin ng isang motorista ang isa nilang tauhan na si Larry Fiala sa Mandaluyong City.
Una na rin na nagpanukala noong 2007 si dating MMDA Chairman Bayani Fernando na armasan ng itak ang mga traffic enforcers.
Naging matabang naman ang pagtanggap dito ng Malacañang habang tumutol din maging ang gun advocate na PROGUN sa naturang suhestiyon.
- Latest
- Trending