Nangursunada sa syota ng iba, patay sa rambol

MANILA, Philippines - Dahil sa pangungursunada sa nobya ng iba ang dahilan sa naganap na rambol ng dalawang grupo ng mga kalalakihan kung saan isa ang iniulat na nasawi sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Dead-on-arrival sa Gen. Malvar Hospital ang biktimang si Marlon Ignacio , 19, residente ng Pook Pag-asa, Brgy. Batasan Hills sanhi ng tinamong saksak sa katawan.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente pasado alas-7:40 ng gabi sa kahabaan ng Galley St., Brgy. Batasan Hills. Sinabi ng mga saksing sina Benhur Saguipo at Rolan Villamor, kasama nila ang biktima nang mapadaan umano ang grupo ng mga suspek na kinilala lamang sa mga alyas Kano at Jun-jun at apat na iba pa. Anila kinukursunada umano ng biktima ang girlfriend ng isa sa suspek na nauwi sa batuhan ng mga maanghang na salita hanggang sa umalis ang grupo ng suspek at nagbantang reresbak. Pagbalik umano ng mga suspek ay nagsimula na ang mas mainit na rambulan kung saan pinagsasaksak ng mga suspect ang biktima bago nagpulasan.

Show comments