2 binatilyo tumakas sa Pasay youth homes, arestado

MANILA, Philippines - Dalawang binatilyo na na­sangkot sa kasong kriminal ang nagawang makalabas ngunit bigong tuluyang makatakas sa Pasay City Youth Homes (PCYH) nang pag­tulungang gulpihin ang bantay nila, kahapon ng ma­daling-araw sa naturang lungsod.

Agad na nadakip ng mga sumaklolong security guard ng gusali ng PLDTC na ka­tabi ng Pasay City Hall sa may FB Harrison street ang mga menor-de-edad na detenido.

Napag-alaman na naha­harap sa kasong murder ang 16-anyos na detenido habang sangkot naman sa pagnanakaw ang kasama ni­yang tumakas na may edad na 17-anyos.

Sa imbestigasyon, nagawang makatakbo papalabas ng PCYH ang dalawang detenido nang pagtulungang gulphin ang bantay nila na si Junnel Agub sa ikatlong palapag ng gusali dakong alas-3 ng madaling-araw. 

Nagawang maagaw ng mga ito ang susi ng kanilang kuwarto at mabuksan ito.

Tumalon umano ang da­la­wa patungo naman sa gusali ng PLDT na katabi lamang ng youth homes suba­lit namataan sila ng mga nakatalagang security guard na nakadakip sa kanila.

Nabatid pa na unang nag­tangkang tumakas pasa­do alas-2 ng madaling araw ang pitong kabataang dete­nido subalit nabuko ang kanilang plano kaya’t nabigo silang makapuga sa youth homes. Napag-alaman na ilang ulit na natatakasan ng mga kabataang detainees ang naturang youth homes sanhi ng napakaluwag na seguridad na kanilang ipinatutupad. Hindi naman nai­tago ng pulisya ang pagka-irita sa mga nakatalagang opisyal ng naturang youth homes dahil madalas na hindi nakikipag-ugnayan ang mga ito sa kanila kapag may nangyayaring pagpuga ng detenido.

Show comments