3 mandurukot sa MRT, timbog
MANILA, Philippines - Nalambat na ng awtoridad ang tatlong mandurukot na nambibiktima sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) matapos na dukutan nito ang isang pasahero na bumaba sa Quezon Avenue Station sa lungsod kahapon ng umaga.
Ang mga suspect ay kinilalang sina Jerry Cabiling, 30; Ryan Antiquia, 23; at Don Rafael Abogue, 29; pawang mga residente sa Brgy. Batasan hills sa lungsod.
Sila ay naaresto ng security guard ng MRT matapos na humingi ng saklolo ang biktimang si Reynaldo Arebuabo, 31, ng Juan Luna St., Tondo Manila.
Nangyari ang insidente sa may Quezon Avenue MRT station sa Edsa ganap na alas -10:50 ng umaga.
Sinabi ni Arebuabo, kabababa lamang niya ng MRT kasabay ang mga suspect at habang naglalakad sa naturang istasyon ay biglang naramdaman niya na dinukot ni Abogue ang cellphone niya na nakalagay sa bag.
Agad niyang sinita si Abogue subalit mabilis itong nagtatakbo dahilan para habulin niya ito kung saan nakita niyang ipinasa ng una ang kanyang cellphone sa dalawang kasamahan nito.
Agad na rumesponde ang security guard na si Nicanor Gando Jr., kasama ang iba pa at hinabol ang mga suspect hanggang sa maaresto ang mga ito.
Hindi naman nabawi ang cellphone ng biktima na Nokia C3 dahil ayon kay Arebuabo ay naihagis na ng mga suspect sa isang nakaparadang taxi sa lugar.
“Nagka-interest na rin ang taxi driver sa (cell) phone ko dahil tinatawagan ko pa hindi sinasagot, “ sabi pa ng biktima. Hinala ng mga awtoridad, maaaring ang modus ng mga suspect ay tiktikan ang posibleng target sa MRT bago isagawa ang kanilang operasyon sa sandaling may makita na tulad ng nangyari sa biktima.
Nakapiit ngayon ang mga suspect sa nasabing himpilan habang inihahanda para sa inquest proceedings sa isang piskalya sa city hall.
- Latest
- Trending



















