Magka-live-in itinumba sa kama

MANILA, Philippines - Napaslang ang magka-live-in partner makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki sa loob mismo ng kanilang inuupahang kuwarto sa Area 7, Luzon Avenue, Quezon City kamakalawa.

Ayon kay P/Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City PNP, nakilala ang mga napatay na sina Abdulasiz Kimura, tubong Barangay Patadon, Kidapawan City; at ang kinakasama nitong natukoy lamang sa pangalang Jenny.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Jose  Roland Belgica, nakarinig ng malalakas na putok ng baril ang ilang residente na kapitbahay ng dalawa kung saan nakita ang dalawang lalake na pababa ng hagdanan mula sa kuwarto ng mga biktima.

Sa pagsusuri ng SOCO, si Jenny ay may mga tama ng bala sa dibdib at kaliwang kamay, habang nagawa pang maitakbo sa East Avenue Medical Center, subalit binawian din ng buhay ang lalaki dahil sa tama ng bala sa ulo at kanang kamay.

Sinabi naman ng may-ari ng bahay na si Lucy Rasco, ilang araw pa lamang na­ngungupahan ang dalawa sa naturang kuwarto at wala siyang nalalamang kaaway ang mga ito.

Inaalam pa ng awtoridad ang motibo ng pamamaslang habang patuloy ang imbestigasyon.

Show comments