Miyembro ng PSG, inireklamo
MANILA, Philippines - Nahaharap sa kasong grave threat at alarm and scandal ang isa na namang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) matapos na ireklamo ng dalawang katao na kanyang tinutukan ng baril dahil sa umano’y hinalang mga holdaper sa Pandacan, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nakakulong ngayon sa Manila Police ang suspect na si PO2 Chulsi Banglag, 33, stay-in sa PSG barracks sa Malacañang compound dahil sa reklamo nina Michael Quitoriano, 24, estudyante ng Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at Erwin Manglala, 32, isang isang tricycle driver ng Paco, Manila.
Sa report, dakong ala-1:15 ng madaling-araw nang naganap ang insidente sa kanto ng Dr. Carreon at Delas Alas Sts., Pandacan, Maynila habang naglalakad pauwi ng barracks ang suspect galing sa inuman sa isang kaibigan nang pagtulungan umanong holdapin ng ilang kalalakihan.
Gayunman, nabigo umano ang pakay ng mga holdaper matapos na manlaban ang suspect at nakapiglas ito.
Sa tindi umano ng galit ng suspect at maaaring dala ng kalasingan ay nagpaputok umano ito ng kanyang service firearm at nang nakita umano nito si Quitoriano na papasakay sa isang pampasaherong jeepney ay nilapitan ito, tinutukan ng dala niyang 9mm na baril at sinabihan ng “ikaw ang nagholdap sa akin?”
Maging ang nag-aabang ng pasahero na si Maglalan ay kanya ring tinutukan ng baril, dahilan upang tumawag ang dalawa sa 117 at ilang sandali pa ay nagresponde na ang mga pulis kung saan naaresto si Banglag sa Plaza Hugo.
- Latest
- Trending