3 dalaw sa MCJ, timbog sa pekeng pera
MANILA, Philippines - Tatlong dalaw sa Manila City Jail (MCJ) ang naaresto ng mga jailguard at kinasuhan sa piskalya matapos na makuhanan ng mga pekeng pera habang papasok sa piitan upang dalawin ang kanilang kamag-anak sa magkakasunod na insidente.
Kinilala ni MCJ Warden Sr. Supt. Ruel Rivera ang mga suspect na sina Alimudin Pilas, 25 ng Baseco compound; Ellen Abad. 50 ng No. 163 Ilaya St. Brgy. Buting Pasig City at Annalyn Garcia, 27 ng No. 15 St. Paul St. Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon kay Rivera, Setyembre 1 nang mahulihan ni JO1 Jeceldo Docena ng Gate Security Unit (GSU) si Pilas na may dalang 15 piraso ng tig P100. Bibisitahin nito ang inmate na si Datu Montasser .
Agosto 30 naman nang makuha ni JO1 Andrew Cumayas ang tatlong piraso ng mga pekeng tig P500 mula sa suspect na si Abad na dadalaw sa kanyang asawang si Ramiro Hernandez habang Agosto 26 naman nasabat ni JO1 Joy Arga sa suspect na si Garcia ang siyam na piraso ng tig P1,000 na nakatakda sanang ibigay sa kanyang mister na nakakulong na si Ferdinand Tadeo.
Nabatid kay Rivera na ang mga naturang pera ay agad na ipinasuri sa Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan lumitaw na peke ang mga nasabing denominations.
Napag-alaman kay Rivera na gagamitin ang pera pambili ng mga pagkain at supplies sa kooperatiba na nasa loob ng MCJ.
Giit ni Rivera, ang pagkakahuli sa tatlo ay indikasyon lamang na mahigpit ang kanilang ginagawang searching sa mga bisita alinsunod na rin sa kautusan ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director Rosendo Dial. Aniya, tinitiyak nilang hindi nakakapasok ang anumang mga kontrabando sa loob ng MCJ.
Ang tatlo ay kinasuhan ng paglabag sa Art. 168 ng Revisd Penal Code.
- Latest
- Trending














