Tatay hinostage ang 4 na anak
MANILA, Philippines - Sobrang lakas ng ‘tama’ sa droga na sinabayan pa ng alak kung kaya nagawang i-hostage ng isang 45-anyos na lalaki ang apat na menor-de-edad niyang anak sa loob ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inihahanda na ang kasong serious illegal detention in relation to Republic Act 7610 ( Child Abuse law) laban sa suspect na kinilalang si Danilo Roncales, ng Sto.Nino St.,Tondo, Maynila.
Maayos namang nailigtas sa kamay ng suspect ang mga anak na sina Roda, 15; Angelica, 12; at Angelo, 11; Danica, 2.
Sa pahayag sa pulisya ng misis na si Rosalie, dakong alas-7:30 ng gabi nang puwersahang ipasok umano ng suspect ang kanilang mga anak sa loob ng bahay at ikinulong habang nanlilisik ang mga mata dahil sa labis na kalasingan at paggamit ng droga.
Hawak pa umano ng suspect ang tatlong patalim, plier at tangke ng gas.Wala naman umanong dahilang makita ang maybahay ng suspect upang magalit at i-hostage ang kanilang mga anak kaya nagmadaling humingi ito ng saklolo sa barangay.
Dakong alas-10:30 ng gabi nang isagawa ang negosasyon sa pamumuno ng mga tauhan ni MPD-stn. 1 chief, P/Supt Marvin Wynn Marcos, Chairman Dominador Caccam at ni Rosalie, habang mismong si Marcos naman ang nagmamando sa mga tauhang pinapasok sa bahay ng suspect kaya’t napasuko ito at nakuha ang mga anak na hostages.
- Latest
- Trending

















