Killer ng apo ni Dolphy timbog
MANILA, Philippines - Matapos ang walong taong pagtatago sa batas, nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pangunahing suspect sa pagpatay sa apo ng Comedy King na si Dolphy sa isinagawang operasyon sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasakoteng suspect na si Mark Kevin Lapuz, alyas Macmac, 25, ng Block 9, Lot 5, Thaddeus St., San Pedro 7, San Bartolome, Novaliches ng lungsod.
Si Lapuz ay natunton sa hideout nito sa Door 112, Del Nacia Drive, Brgy. Talipapa, Novaliches bandang alas-7:30 ng gabi.
Si Lapuz ang isa sa pangunahing suspect sa pamamaril at nakapaslang sa apo ni Dolphy na si Jerome Carlo Quizon sa La Loma, Quezon City noong Disyembre 18, 2004.
Nabatid na 17-anyos pa lamang si Quizon nang mangyari ang trahedya.
Ayon sa rekord, kalalabas lamang ng batang Quizon sa Lourdes Church sa La Loma, Quezon City matapos itong dumalo sa Misa de Gallo kasama ang ilang mga kaibigan nang pagbabarilin ng suspect at ng apat pa nitong kasamahan na dumating sa lugar sakay ng isang tricycle.
- Latest
- Trending