MANILA, Philippines - Patay ang magkapatid na lalaki matapos na mabaril ng isang pulis na hiningan ng tulong ng mga residente na kinukursunada ng una sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot dahil sa tama ng bala sa mukha si Reynante de Asis Montero, 17, truck helper at residente ng Building 22 Permanent Housing, Vitas Tondo habang hindi naman umabot ng buhay sa Tondo Medical Center ang kapatid nitong si Lester, 19, scavenger.
Kusa namang sumuko sa kapwa niya mga awtoridad si PO2 Jayson Ibasco, 31, may-asawa, nakatalaga sa MPD-Homicide Section at residente din ng lugar.
Ayon kay Sr. Insp. Armand Macaraeg, hepe ng MPD-Homicide Section, dakong alas-8:15 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa ikalawang palapag ng gusali ng Permanent Housing sa nasabing lugar.
Isang nagngangalang Leo umano ang kinukursanadang patayin ni Lester na armado ng sumpak. Hindi umano makalabas ng bahay si Leo kung saan dadalhin nito ang anak sa ospital.
Dahil dito, humingi ng tulong ang isang Miracle Fuentes, kay Ibasco na kanila ring kapitbahay upang kausapin at awatin ang magkapatid. Sinabi ni Ibasco na dapat pag-usapan ang gulo sa barangay.
Subalit sinabihan ng magkapatid ang pulis na huwag makialam sabay tutok ng sumpak at tinangkang agawin ang service firearm nito.
Dito na binaril ni Ibasco si Reynante hanggang sa isinunod si Lester.