PNP hospital binuksan sa dengue victims
MANILA, Philippines - Dahilan sa patuloy na paglobo ng mga maysakit na dengue, binuksan na kahapon ng PNP ang hospital nito sa Camp Crame para sa mga mahihirap na pasyente na apektado ng nasabing karamdaman.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo.
Sinabi ni Cruz na ang PNP General Hospital ay accredited bilang tertiary hospital ng Department of Health (DOH) na maayos at malinis ang pasilidad.
Ayon kay Cruz, ipinag-utos na rin ni Bacalzo ang pagmomobilisa ng resources ng PNP para makatulong sa DOH at iba pang concerned na Local Government Units (LGUs) na masugpo ang dengue outbreak.
Samantalang maging ang iba pang medical facilities ng PNP sa lahat ng mga rehiyon ay bukas rin para sa mga maysakit na dengue.
Patuloy rin ang boluntaryong pagdodonasyon ng dugo ng mga pulis para sa mga maysakit na dengue at clean up drive upang mapalayas naman ang mga lamok na may dalang dengue.
- Latest
- Trending