Radio operator natuluyan sa ika-4 na 'suicide'
MANILA, Philippines - Nabigo nang mapigilan ng kanyang mga kasamahan ang pagpapatiwakal ng isang 38-anyos na radio operator ng isang shipping lines nang sa ika-apat na pagtalon nito sa dagat ay hindi na napuna at tuluyan nang mamatay sa bahagi ng Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section ang biktimang si Alexander Geogoma, radio operator ng isang shipping lines na nakabase sa North Harbor, Tondo.
Sa ulat, dakong alas-3:40 ng madaling-araw kahapon nang tumalon si Geogoma mula sa nakadaong na barko sa Shipway 11, Pier 10, North Harbor, Tondo at hindi na ito lumutang hanggang sa matagpuang patay.
Sinabi ni John Wendel, security guard sa barko, napansin niya ang palutang-lutang na katawan ng biktima kaya ipinagbigay-alam niya ito kay Petty Officer Ernesto Masadao, na siyang nag-utos na iahon ang bangkay ng biktima at agad na ireport sa pulisya.
Ito na umano ang ika-4 na pagtalon ng biktima sa barko. Una umano itong tumalon mula sa isang tugboat subalit nakita siya ng mga kasamahan at iniahon at kinumbinse na huwag gagawin ang pagpapakamatay. Hindi umano nagtagal, sa ibang bahagi ng tugboat naman nagtungo ang biktima at tumalon sa dagat at naagapan siya ng mga kasamahan at muling iniahon.
Hindi nagtagal ay lumipat umano ito sa isang barge na nakadaong din sa nasabing pier at doon ay naagapan pa siya ng mga nagmamalasakit na mga kasamahan.
Inakalang kalmado na ang biktima kaya’t hindi namalayan na nawala ito at hindi na makita. Ilang oras ang lumipas ay nabalitaan nila na nalunod na ito dahil sa paglutang ng bangkay, na ayon sa imbestigasyon ay may nakakitang umakyat sa barko.
- Latest
- Trending