MANILA, Philippines - Inamiyendahan ngayon ng Makati City Council ang isang ordinansa na nagbabawal sa pagmamaneho ng nakainom ng alak sa mga kalsada sa lungsod kung saan pinagbawalan rin ang mga beerhouse, restoran at iba pang establisimiyento na maghain ng alak sa mga kustomer na nagmamaneho ng sasakyan.
Ayon kay Makati City Mayor Junjun Binay, nilagdaan na niya ang inamiyendahang City Ordinance No. 2011-010 na magtatakda ng pagkakakulong o pagbabayad ng P2,500 multa sa mga tsuper na nagmamaneho ng lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng illegal na droga.
Irerekomenda rin ng lokal na pamahalaan sa LTO ang pagbawi o suspensiyon sa lisensiya ng mahuhuling lasing na driver at pagpapa-impound sa kanyang sasakyan batay sa ilalim ng probisyong isinasaad sa 2003 Traffic Code.
Nakasaad rin sa isa sa probisyon ang pagbabawal sa mga establisimiyento na maghain ng alak sa mga kustomer na nagmamaneho ng sasakyan. Kailangan rin na magkabit ang mga ito ng mga paalala tulad ng posters sa kanilang lugar ng negosyo na nagpapaalala sa pagbabawal sa pagmamaneho ng nakainom.
Ang mga negosyong lalabag dito ay papatawan rin ng multang P2,500 at pagkasuspinde ng kanilang business permit sa unang paglabag.
Mas pinahigpit rin ang pag ba-ban sa mga tricycle sa lahat ng national roads sa lungsod kung saan kabilang na rito ang lahat ng kalsada sa loob ng Central Business District habang itinataas rin ang multa sa P1,000 buhat sa dating P500 at pag-impound sa behikulo.
Sa pinakahuling datos ng Makati Command Control and Communications Center, nakapagtala na ng kabuuang 781 aksidente sa kalsada sa lungsod mula Enero hanggang Hulyo ngayong 2011, habang sa buong 2010, nakapagtala ng 1,434 aksidente sa lungsod.