Obrero nagbigti sa construction site

MANILA, Philippines - Lumalabas na puno ng hina­nakit at pagdaramdam bagamat may kaakibat na pagmamahal ang iniwang suicide note ng isang construction worker sa kanyang kinikilalang pamilya, makaraang magbigti sa isang construction site sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Arnold Cabrera Cava, 25, tubong Dingan, Iba, Zambales at stay-in worker sa isang cons­truction site sa Bocobo St., Ermita.

“Mahal na mahal ko kayo, itay kahit na hindi ninyo ako tunay na anak, minahal ko naman kayo ng labis maging si inay at ang mga kapatid ko.

Sana hindi ninyo muna ako pinaluwas ng Maynila para magtrabaho dahil lumalabo na ang mga mata ko, baka ako mabulag,” bahagi ng suicide note ng nasawi.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:30 ng umaga nang madiskubre ang nakabigting biktima, gamit ang alambre sa basement ng itinatayong water tank ng nasabing gusali.

Pahabol pa sa suicide note ang mga katagang, “ sana ibalot ninyo na lamang ako sa banig, para wala na kayong problema, mahal na mahal ko kayong lahat,” na nasa ilalim ng sulat ang alyas niyang “Anoy”.

Nabatid na ang liham ay para umano sa mga pangalang “Rico”, “Lydia”, “Richmond”, “RoseAnn”, “Jericho”; “Jaeric” at “Nico” na posibleng ang mga kinikilala nitong kapamilya.

Inilagak ang bangkay sa St. Yvan Funeral morgue.   

Show comments