MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang magtatapos na ang maliligayang araw at pamamayagpag ng mga kolorum na bus sa Kalakhang Maynila, dahil bukas Agosto 22 ay sisimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panghuhuli sa kanila kaugnay sa pinatutupad na Vehicle Tagging Scheme.
Nabatid na sa tagging scheme, inoobliga ang mga bus operators na ipinta sa bubungan, harapan, likuran gayundin sa bawat tagiliran ang plate number ng kanilang mga sasakyan.
Layunin nitong mas magiging mabilis at madali na mahuli ang mga lumalabag sa batas trapiko partikular ang kolorum at out-of-line PUVs sa pamamagitan na rin ng mga naka-monitor at nakakabit na CCTV cameras ng MMDA sa mga pangunahing lansangan.
Magugunitang noong nakaraang Lunes (Agosto 15) sinimulan ng MMDA ang dry-run pagpapatupad nito, kung kaya’t ang mga nahuli ay hindi muna pinagmulta sa halip binigyan lang ng warning.
Ngunit bukas ay mahigpit na itong ipapatupad at wala nang makakaligtas at magdadahilan pa.
Ang first-time violators ay pagmumultahin ng P500, samantala sa second offense, irerekomenda ng MMDA ang kanselasyon o suspension ng prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang implementasyon ng vehicle tagging scheme noong nakaraang Pebrero sa pamamagitan ng Resolution Number 02-27 series of 2002.