Bebot hulog sa creek, nabuhay

MANILA, Philippines - Nagkabali-bali ang tuhod at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang isang babaeng call center agent matapos na aksidenteng mahulog sa isang malalim na creek sa Pasig City kahapon ng madaling araw.

Ginagamot ngayon sa The Medical City Hospital si Fede­rica Abando, 26, nagtatrabaho sa LWSS Company, Global Building, Ortigas Avenue at residente ng Brgy. Manggahan, Pasig City.

Nabatid na dakong ala-1:30 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa isang creek sa likurang bahagi ng Ben Press Building, Meralco Avenue ng nasabing lungsod.

Sinasabing katatapos lamang umihi ng biktima sa gilid ng creek nang bigla itong ma­dulas hanggang sa tuluy-tuloy na dumausdos at nahulog.

Masuwerteng papadaan sa lugar ang mga barangay official kaya narinig nila ang paghingi ng saklolo ng biktima at mabilis na naiahon sa creek saka isinugod sa pagamutan.

Samantala, patay naman si Ramil Estuesta, 45, ng #19 Sitio Bathala, Brgy. Bahay Toro, Project 8 matapos na mahulog sa ilog at malunod dala ng kalasingan sa Quezon City.

Nagawa pang maitakbo sa Quezon City General Hospital ang biktima pero makalipas ang ilang oras ay idineklara din itong patay.

Ayon kay PO3 Loreto Tigno ng Homicide Section ng Quezon City Police, naglalakad ang biktima galing sa inuman nang aksidenteng mahulog sa Culiat River sa tabi ng T.K building sa no. 1116 Edsa ganap na alas-11 ng umaga.   

Show comments