Lola, 2 pa huli sa endangered species
MANILA, Philippines - Tatlong uri ng mga endangered species ang nasabat ng mga tauhan ng Manila Police District- District Intelligence Division, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Iprinisinta ni Manila Mayor Alfredo Lim, sa mga mamamahayag ang nasamsam na isang serpent eagle, 69, na Myna birds at 17 pirasong pagong na agad na inilagak sa Manila Zoo para alagaan at palakihin.
Naaresto rin sina Luz Estacio, 56, ng Katamanan St., Tondo; James Ferolino, 29; at Jake Vargas, 28, pawang taga-Liberty, Puerto Princesa, Palawan.
Nabatid na ang mga nabanggit na endangered species ay nakumpiska ng mga tauhan ni P/Supt. Ernesto Fojas, hepe ng MPD-DID sa may Katamanan St., Tondo, Maynila dakong alas-10 ng gabi kamakalawa.
Ayon kay Fojas, isang impormante ang nagbigay sa kanya ng tip kaugnay sa paparating na endangered species kung kaya’t agad na pumoste ang mga awtoridad sa lugar.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 ang tatlong suspek sa Manila Prosecutor’s Office.
Sinabi naman ni Engr. Deogracias Manimbo, director ng Manila Zoo, nagkakahalaga ng P2,000-P2,500 ang kada piraso ng Myna, kung saan aabot sa P250,000 halaga ng nakumpiskang endangered species.
- Latest
- Trending