Nanalo sa sugal, kelot dinedo

MANILA, Philippines - Matapos na manalo sa sugal, kamatayan naman ang inabot ng isang 31-anyos na lalaki makaraang saksakin at mapatay ng hindi pa nakikilalang salarin habang papauwi ng bahay, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Dead-on-arrival sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong tama ng saksak sa likod at batok ang biktimang si Ronald Punzalan, trabahador ng Boss Furmitech Furniture, at residente ng #581 P. Faustino St., Brgy. Punturin, ng nasabing lungsod.

 Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang maaresto at matukoy ang pagkakakilanlan ng suspect na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi sa kahabaan ng Velilia St. , Bgy. Punturin Valenzuela City. 

Mag-isang naglalakad ang biktima nang sumulpot buhat sa likuran ang salarin at agad na saksakin ito.

Nabatid na bago naganap ang insidente, nagsusugal ng pusoy ang biktima sa isang lamayan sa kanilang lugar kung saan kalaro nito sina Alvin Elope, Jerico Balviran at si Rey Molina hanggang sa magpasya ang una na umuwi na.

Ipinatawag naman ng pulisya ang tatlong lalaki upang isailalim sa imbestigasyon upang mabatid kung may kinalaman ang mga ito sa naganap na krimen.

Show comments