Bagong paaralan pinasinayaan ni Lim
MANILA, Philippines - Hindi naitago ang kasiyahan ng mga estudyante ng President Sergio Osmeña High School sa Gagalangin, Tondo, Maynila matapos na pasinayaan kamakalawa ni Mayor Alfredo S. Lim ang four-storey building na paaralan na may lawak na 1,140 square meters.
Kasama ni Lim na sumaksi sa pagbabasbas sina chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman, city administrator Jay Marzan, city engineer Armand Andres, city electrician Ernesto Cuyugan at Manila Police District deputy director Sr. Supt. Alex Gutierrez.
Bakas sa mukha ng punong guro na si Yolanda Tolentino, mga guro lalo na ng mga estudyante ang pagmamalaki at kaligayahan nang basbasan ang four storey building na mayroong laboratories, classrooms, walong comfort rooms, library, science rooms, multi-purpose hall na maaaring gawing 10 classrooms kung kinakailangan at opisina.
Nabatid na nabulok na sa sobrang kalumaan ang dating paaralan kung kaya’t nagpasya si Lim na magpatayo ng bagong PSOHS building na hindi delikado sa mga mag-aaral.
Sa kanyang talumpati, pinayuhan ni Lim ang mga estudyante na magpursigi na makatapos ng kanilang pag-aaral.
“Kahit bulok ang eskuwela, hindi ibig sabihin na bulok din ang mga estudyante. Kahit maganda ang eskuwela kung di kayo mag-aaral mabuti, wala din. Ke luma, ke bago, ang importante ay pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” ani Lim.
Pinayuhan din nito ang mga mag-aaral na huwag seryosohin ang mga ligawan dahil may tamang panahon para dito. Giit nito, hindi dapat na sinasayang ng mga mag-aaral ang pangarap ng kanilang mga magulang na makatapos ng pag-aaral at makaahon sa kahirapan.
Nagpasalamat naman si Tolentino sa ngalan ng kanyang mga faculty members at mga estudyante dahil ang bagong paaralan ang nagbigay sa kanila ng tiwala sa kanilang sarili
Bukod dito, nabatid na mula sa 70, aabot na lamang sa 40 hanggang 50 ang bilang ng mga estudyante bawat classroom.
- Latest
- Trending