Truck hinaydyak sa Maynila

MANILA, Philippines - Muli na namang umatake ang hijacking syndicate matapos na biktimahin nito ang truck ng plastic ng isang negosyante habang binabagtas ang R-10 sa Tondo, Maynila, kahapon ng mada­ling araw.

Ayon kay Narcisa Miranda, 45, ng Gate 20 Area H, Tondo, Maynila, magde-deliver ang kanyang driver na si Manny Maestre, 35, sa Pullilan, Bulacan kasama ang pahinanteng si Roldan Res­toria, 23, nang biglang harangin ng tatlong armadong kalalakihan sa Tondo Maynila.

Batay sa imbestigasyon ng Manila Police District Anti-Carnaping (MPD-ANCAR),  dakong ala-1:30 ng madaling-araw naganap ang insidente sa R-10 kung saan unang pinahinto ang truck at hinanapan ng mga dokumento.

Sa pag-aakalang mga pulis, sumunod si Maestre subalit laking gulat nito nang bigla silang tutukan ng matataas na kalibre ng baril ng mga suspect na nakasuot ng uniporme ng pulis. Ang truck ay naglalaman ng mga plastic.

Tila hindi pa nakuntento ang mga suspect at binaklas pa ang ulo ng truck mula sa katawan nito at saka tinangay. Ang truck ay may plakang PEP 186 . 

Ang ulo ng tinangay na Isuzu Truck ay pansamantalang ipinarada sa MPD UN heardquarters. 

 Inaalam na nang awtoridad kung magkano ang halaga ng laman ng mga plastic habang patuloy na isinasagawa ang follow-up operation ng mga awtoridad upang malaman kung anong grupo ang kinabibilangan ng mga suspect.

Show comments