Vehicle tagging scheme, simula na

MANILA, Philippines - Sa unang linggo ng pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Autho­rity (MMDA) para sa vehicle tagging scheme, nabatid na wala munang huhulihing mga violator simula bukas Agosto 15.

Ito ang paglilinaw ni MMDA Chairman Francis Tolentino kasabay ng pagsasabing isang linggo muna nilang iinspeksiyunin kung tama ang pagkakapinta  ng mga plate number sa bubong, harap, likod at tagiliran ng mga  sasakyan.

Ayon kay Tolentino, susuriin  muna nila  kung  sumunod ang mga ito sa itinakdang  tamang specification na 900 millimeters x 1200 Millimeters sa bubong, habang 1/3 ng 900 mm x 1200 mm sa tagiliran at 200 mm x 400 mm sa harapan.

Dahil dito,  ang unang linggo ng implementasyon ay wala munang huli,   ngunit sa  Agosto 23   ay sisimulan na   ang panghu­huli  sa mga bus na wala pa ring pintura ng plate number.

Sa ilalim ng vehicle tagging scheme, oobligahin ang mga Public Utility  Vehicles (PUV) operators na ipinta  sa bubungan, harapan, likuran gayundin sa bawat tagiliran  ng kanilang  sasakyan ang plate number nito upang mas mabilis at madali itong ma­kita ng mga ikinabit na CCTV cameras ng MMDA sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.

Bahagi pa rin ito ng pinaigting na kampanya ng  ahensiya kontra kolo­rum at out-of-line  na  PUVs na naglipana sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Bukod pa dito, paraan aniya ito  upang lalo pang mapalakas  ang  traffic­ mo­nitoring at surveillance  ng MMDA.

Ang First-time vio­lators  ay pagmumultahin ng P500 samantala  sa  second offense, irerekomenda ng MMDA ang kanselasyon o suspension ng prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Show comments