Vehicle tagging scheme, simula na
MANILA, Philippines - Sa unang linggo ng pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa vehicle tagging scheme, nabatid na wala munang huhulihing mga violator simula bukas Agosto 15.
Ito ang paglilinaw ni MMDA Chairman Francis Tolentino kasabay ng pagsasabing isang linggo muna nilang iinspeksiyunin kung tama ang pagkakapinta ng mga plate number sa bubong, harap, likod at tagiliran ng mga sasakyan.
Ayon kay Tolentino, susuriin muna nila kung sumunod ang mga ito sa itinakdang tamang specification na 900 millimeters x 1200 Millimeters sa bubong, habang 1/3 ng 900 mm x 1200 mm sa tagiliran at 200 mm x 400 mm sa harapan.
Dahil dito, ang unang linggo ng implementasyon ay wala munang huli, ngunit sa Agosto 23 ay sisimulan na ang panghuhuli sa mga bus na wala pa ring pintura ng plate number.
Sa ilalim ng vehicle tagging scheme, oobligahin ang mga Public Utility Vehicles (PUV) operators na ipinta sa bubungan, harapan, likuran gayundin sa bawat tagiliran ng kanilang sasakyan ang plate number nito upang mas mabilis at madali itong makita ng mga ikinabit na CCTV cameras ng MMDA sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Bahagi pa rin ito ng pinaigting na kampanya ng ahensiya kontra kolorum at out-of-line na PUVs na naglipana sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Bukod pa dito, paraan aniya ito upang lalo pang mapalakas ang traffic monitoring at surveillance ng MMDA.
Ang First-time violators ay pagmumultahin ng P500 samantala sa second offense, irerekomenda ng MMDA ang kanselasyon o suspension ng prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
- Latest
- Trending