2 binata itinumba sa loob ng Internet shop

MANILA, Philippines - Dalawang binata ang nasawi matapos ratratin ng apat na di pa kilalang mga salarin habang nag­lalaro sa loob ng isang Internet shop sa Sampa­ loc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa UST Hospital ang mga biktimang sina Gold Morris Ancheta,18 at Kelvin Van Erick Villegas, 20, kapwa miyembro ng Bahala na Gang at kilalang siga umano sa lugar.

Pinaghahanap naman ang mga suspek na tumakas matapos ang insidente. Sa report ni PO2 Jose Gumilan ng MPD-homicide section, dakong alas-2:45 ng madaling araw ng maganap ang insidente sa loob ng bagong tayong computer shop na mata­tagpuan sa panulukan ng C. Fa­jardo at Cristobal Sts., Sampaloc, Maynila.

Nauna rito, naglalaro umano ang dalawang bik­tima ng computer games nang bigla na lamang pumasok ang apat na suspect at nagkunwaring nagdeklara ng holdap.

Bigla umanong lumutang ang mga hindi nakilalang lalaki at mabilis na pinaputukan ang dalawa sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Hindi naman ginalaw o sinaktan ng mga salarin ang iba pang naglalaro sa computer sa lugar at wala ring kinuhang mga gamit.

Ayon sa pulisya, po­sibleng ang dalawa lamang ang target ng mga suspect na mabilis ding nagsitakas matapos ang pamamaril. Patuloy pang iniim­bes­ti­gahan ang insidente.    

Show comments