2 trader niratrat: 1 patay, 1 sugatan
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang napatay, habang isa pa ang sugatan makaraang pagbabarilin ng isang lalaki dahil lamang sa gitgitan sa kalsada habang sakay ng kani-kanilang sasakyan sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ni PO3 Greg Maramag ng CIDU ng Quezon City Police ang nasawi na si Nestor Barientos, 48, ng Calamansi St., Brgy. Pasong Tamo sa lungsod.
Ginagamot naman sa FEU Hospital ang kasama nito na si Marvin Escorial, 33, isa ring negosyante, ng Gen. Ordono St., Marikina Heights, Marikina City bunga ng tama sa leeg.
Tumakas naman ang suspect sakay ng isang KIA Pregio na walang plaka matapos ang pamamaril.
Ayon kay Maramag, nangyari ang insidente sa may Payatas Road, Payatas B., sa lungsod ganap na alas-8:30 ng gabi.
Bago ito, sakay ng kanilang Nissan Sentra (TJR-601) ang mga biktima na minamaneho ni Augustis Cusay at tinatahak ang nasabing lugar nang gitgitin ang mga ito ng sasakyan ng suspect.
Sinabi ni Cusay, matapos silang gitgitin ng suspect ay agad siyang nag-overtake dito at hinarang, saka bumaba ang mga sakay niyang sina Barientos at Escorial para kausapin ang suspect tungkol sa problema.
Subalit hindi pa nakakalapit ang mga biktima ay agad na nagbunot ng baril ang suspect at pinaputukan ang mga una, saka mabilis na sumakay sa kanyang van at tumakas.
Nagawa pang maisakay ni Cusay ang mga biktima sa sasakyan at itinakbo sa Fairview General hospital kung saan idineklarang patay si Barientos habang inilipat naman sa FEU hospital si Escorial. Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending