2,700 puno itinanim sa C-5
MANILA, Philippines - Upang labanan ang tumitinding polusyon at pagbabaha, umaabot sa 2,700 punla ng iba’t ibang puno ang itinanim sa kahabaan ng C-5 Road sa Taguig City .
Nagsanib puwersa ang pamahalaang lungsod ng Taguig City sa pangunguna ni Mayor Lani Cayetano, Toshiba Asia Pacific, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang non-government organization sa pagtatanim ng mga punla ng Palawan cherry, yakal, Africa tulip, Banaba, at Acacia sa C-5 Road sa Brgy. Western Bicutan .
Sinabi ni Atty. Darwin Icay, tagapagsalita ni Cayetano, na target nila ang pangangalaga sa kalikasan kasabay ng iba pa nilang programa tulad ng paglalagay ng “fish sanctuary” sa Laguna de Bay at paglilinis sa Taguig River. Napili umano ng Toshiba Asia Pacific ang lungsod ng Taguig bilang unang “recipient” ng libo-libong punla na bahagi ng programa nila na makapagtanim ng 1.5 milyong puno sa buong mundo pagsapit ng taong 2025.
Ang MMDA naman ang naatasang maglatag ng “landscape” sa gilid ng C5 Road habang ang mga tauhan ng Taguig City Hall ang bahala sa maintenance nito at ng mga puno.
- Latest
- Trending
















