Chinese ninakawan, kinatay

MANILA, Philippines -  Isang Chinese ang walang awang pinatay matapos na pagnakawan kamakalawa ng hapon sa Valenzuela City. Natagpuang naliligo sa sariling dugo sa sala ng kanyang bahay ang biktima na nakilalang si Wu Xuan Xuan, 78, ng no. 450 P. Gomez St., Fortune 7, Brgy. Parada, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente dakong ala-1:35 kamakalawa ng hapon sa loob ng bahay ng biktima. 

Ayon sa anak ng biktima na si Lim Beng Hang, nasa ikalawang palapag siya ng kanilang bahay nang makarinig ng kalabog at ungol sa ibaba kaya agad siyang bumaba upang alamin kung ano ang nangyari.

Nakita pa umano ni Hang ang isang lalaki na nagmamadaling umalis at nagimbal nang makita ang ina na nakalugmok sa sahig at duguan. Agad na humingi ng tulong si Hang sa kanilang mga kapitbahay na sila namang tumawag sa himpilan ng pulisya.

Lumalabas sa imbestigasyon na nawawala ang dalawang laptop computer, hindi pa mabatid na halaga­ ng salapi at ilan pang mahahalagang gamit.

Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang makilala at maaresto ang mga tumakas na salarin.

Show comments