Pulis todas sa tadyak ng sundalo
MANILA, Philippines - Isang kagawad ng pu lisya ang patay makaraang bigyan ng malakas na tadyak sa kaselanan nito ng isang sundalo habang tinatangka ng una na awatin ang gulo sa isang bar sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PO3 Joselito Mendoza ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, si SPO1 Reynaldo Mateo, 47, may-asawa, nakatalaga sa QCPD-Station 7 at naninirahan sa No. 101 Evangelista Ave., Santolan, Pasig City ay dead on arrival sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) habang nasa kustodiya naman ng pulisya si S/Sgt. Dominador Aguilar, 33, ng Philippine Air Force.
Bukod kay Aguilar, nasa kustodiya rin ng pulisya ang mga sangkot sa rambulan na si Noli Villafuerte, 35, may-asawa ng Makati City at ang nagrereklamo ring sina Alexis Perez, 35, supervisor ng Maria Corp. ng Bacoor Cavite at Elmer Guiral, 42, may-asawa, sales area supervisor ng Sampaloc, Manila.
Sa imbestigasyon ni Mendoza, nangyari ang insidente sa may Padi’s Point Bar and Restaurant sa Araneta Center sa Brgy. Socorro, Cubao.
Nabatid na kasama ni Aguilar si Villafuerte sa loob ng bar, habang naroon din sina Perez at Guiral na nasa ibang grupo. Sinasabing ang dalawang grupo ay kapwa lasing na nang mangyari ang rambulan sa dance floor ng bar.
Agad namang inilabas ng bouncer ang apat sa bar kung saan dito na nila itinuloy ang gulo.
Nakarating sa kaalaman ng PS7 ang pangyayari hanggang sa rumesponde sina Mateo at dalawa pang kasamahan sa lugar kung saan naabutan nila ang nabanggit na kalalakihan.
Sinasabi ni PO2 Melchor Aquino, isa sa kasamahan ni Mateo, hindi pa rin tumigil si Aguilar kahit nakita na sila nito.
Nang lapitan umano ni Mateo si Aguilar ay bigla na lamang tinadyakan sa bayag dahilan para bumuwal ito at agad na mawalan ng malay tao.
- Latest
- Trending














