Agent ng NBI nasalisihan
MANILA, Philippines - Nagharap ng reklamo ang isang 54-anyos na confidential agent ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) kaugnay sa pagkawala ng kaniyang baril na isinuksok sa ilalim ng unan habang siya ay natutulog sa loob ng compound ng Philippine Christian University (PCU) sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling-araw. Sa blotter ng MPD-GAS, nasa pagitan ng alas-12:00 ng hatinggabi hanggang ala-1:00 ng madaling araw posibleng sinikwat ng di pa matukoy na suspect ang Smith and Wesson Caliber .40 pistol ng biktimang si Eduardo Manalo, 54, ng Torres Bugallon St., Sta.Cruz, Maynila. Batay pa sa reklamo, nagpapatayo siya ng bulaluhan at kambingan sa tabi ng nasabing unibersidad at sa pagnanais na mabilis ang konstruksiyon ay nagpasya itong magpa-overtime. Hindi na siya umuwi at naisipang matulog sa loob ng gusali ng PCU. Bago makatulog ay isinuksok niya sa ilalim ng kaniyang unan ang baril na may magazine na naglalaman ng sampung bala. Nang maalimpungatan ay naisipang umihi at doon niya napansin na wala na ang baril sa ilalim ng unan. Duda umano ang biktima na may magnanakaw sa lugar dahil ang 2 construction workers niya ay nawalan din ng tig-isang cellphone, may isang linggo na ang nakararaan. Posibleng iisang tao lamang umano ang may kagagawan ng mga pagnanakaw, na nagsasamantala sa mga natutulog.
- Latest
- Trending