MANILA, Philippines - Sinampahan ng kaso ng Manila Prosecutor’s Office kahapon ang isang 59-anyos na ginang matapos matukoy na responsable sa ‘paglalako’ o pambubugaw sa isang 15-anyos na dalagitang ‘stokwa’ sa isang mall sa Maynila.
Kasong human trafficking in relation to Republic Act 7610 (Child Abuse Act) ang inihain sa Manila Prosecutor’s Office laban sa naarestong suspect na si Luisa Daguino, na kilala sa alyas na “Nanay Jacky,” at residente ng Gagalangin, Tondo. Nabatid na ang suspect ay dinakip sa ika-apat na palapag ng isang mall sa CM Recto Avenue, Sta. Cruz habang ibinubugaw ang dalagita sa mga lalaking naghahanap ng panandaliang aliw.
Ayon sa biktimang itinago sa pangalang “Julia” na noong Hulyo 10, 2011 niya nakilala si “Nanay Jacky” sa bahay ng kaibigan sa Sta. Cruz, Maynila. Siya umano ay namalagi sa bahay ng kaibigan nang maglayas sa magulang. Isinama umano sila ng suspect dahil may ipakikilala umano sa kanila.
Una umanong dinala at inialok ang serbisyo ng biktima at kaibigan sa isang pulis na naka-uniporme at sinabihan umano ang suspect ng pulis na hindi siya maaring umalis dahil naka-duty pa kaya umuwi sila. Kinabukasan, silang magkaibigan ay isinama sa mall sa CM Recto, at doon nakikipagsenyasan umano ang suspect sa presyo bago sila ipasama.
Mismong ang suspect umano ang kumukuha ng magiging kostumer niya (biktima) sa araw-araw hanggang noong nakalipas na Hulyo 24, na nababayaran siya ng halagang P300 hanggang P700 bawat ulo, na aniya’y mas malaki pa ang kinikita ng suspect sa kaniya.
Hulyo 25 nang huminto na sa pagsama ang biktimang si Julia sa suspect, at nung araw na iyon ay natunton na siya ng kaniyang ina sa bahay ng kaibigan at nakumbinseng bumalik ng kanilang bahay. Nitong nakalipas na Biyernes, nakita nila ng kanyang kaibigan ang suspect sa mall at doon sila kinumbinse na muling sumama at may nakuha umano itong kostumer na seaman, subalit inayawan nila.
Nagalit umano ang suspect kaya napilitan siyang i-text ang kanyang ina dahil sa pamumuwersa ng suspect.
Agad namang nagtungo sa nasabing mall ang ina ng biktima, kasama ang ilang opisyal ng barangay na umaresto kay Daguino at binitbit ito sa MPD-Women’s Desk. Kasalukuyang nakapiit sa MPD integrated jail ang suspect.