MANILA, Philippines - May 100 kabahayan ang naabo makaraang sumiklab ang sunog sa isang barangay dito dulot ng umano’y napabayaang gasera sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw. Ayon sa inisyal, nagsimula ang sunog sa bahay umano ng isang Edmund Dulay na matatagpuan sa Brgy. Escopa 2, Project 4, ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Diumano, dahil walang suplay ng kuryente sa ilang kabahayan sa lugar ay gumagamit ang mga ito ng gasera o kandila na hinihinalang napabayaan kung kaya sumiklab ang apoy. Samantala, dahil gawa lamang sa light materials ang mga kabahayan ay mabilis na lumaki at kumalat ito hanggang sa umabot ito sa ika-limang alarma.
Isang Teresita Dulagan naman ang nasugatan matapos na madapa at matamaan ng isang matigas na bagay sa ulo habang tumatakbo papalayo sa kasagsagan ng sunog. Nahirapan din ang mga pamatay-sunog na agad na maapula ang apoy dahil may ilang residente ang nagpumilit na kunin ang dala nilang hose para sila ang pumatay sa apoy.
Ganap na alas-5:30 ng umaga nang tuluyang ideklarang fire out ang sunog. Tinatayang aabot sa P1.5 milyong halaga ang napinsala dito habang may 300 pamilya ang nawalan ng tirahan.