Tsinoy, 1 pa timbog sa P100-M shabu
MANILA, Philippines - Dalawang bigtime drug trafficker ang naaresto kabilang ang isang Tsinoy kasunod ng pagkakasamsam ng 20 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 100 milyong piso sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa drug-bust sa Quezon City nitong Miyerkules ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Carlos Gonzales Ty, alyas Sky Ty, 25, ng Ongpin St., Manila at Jerwin Manzano de Jesus, alyas Jerry Manzano, 30, ng Retiro, Quezon City, kapwa kabilang sa Bambo drug syndicates.
Bandang ala-1:25 ng madaling-araw kahapon ng magsagawa ng drug-bust operation ang pulisya sa parking lot ng Burger King Restaurant sa kahabaan ng Timog Avenue sa panulukan ng Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Bago ang isinagawang operasyon ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awto ridad hinggil sa talamak na pagbebenta ng droga ng nasabing sindikato.
Ayon sa mga opisyal, inaresto ang mga suspek sa aktong iniaabot sa poseur-buyer ng CIDG at PDEA ang isang kilo ng shabu kung saan narekober rin ang P2.5 milyon boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Bago ang pagkakasakote sa mga suspek ay ininspeksyon ng mga awtoridad ang kulay light brown Toyota Camry (WHS 675 ) ng mga suspek at mula rito’y nakumpiska ang 22 plastic bags na may lamang 20 kilo ng shabu.
- Latest
- Trending