Mister tinaniman ng bala sa ulo habang natutulog

MANILA, Philippines - Tuluyan nang hindi nasilayan ng isang mister ang pagsilang ng kanyang anak ma­tapos na pagbabarilin sa ulo at mapatay ng isang gunman sa loob ng kanilang tinutuluyan shanty habang natutulog katabi ang buntis na misis sa lungsod Quezon kahapon ng umaga. Nakilala ang biktima na si Jomar Lecero, 25, ng Premen corner Baker St., Bgy North Fairview sa lungsod. Nabatid sa ulat na ang biktima ay pinasok ng hindi nakikilalang suspect sa loob mismo ng kanyang bahay habang natutulog katabi ang asawang si Jennifer dakong alas-7 ng umaga. Ayon kay Jennifer naka­rinig na lamang umano siya ng dalawang putok ng baril hanggang sa mabalingan niya ang suspect, pero hindi niya nakita ang mukha nito dahil agad nitong tinakpan ng unan ang kanyang mukha. Matapos ang pamamaril ay mabiils na tumakas ang suspect habang ang biktima na nagtamo ng tama ng mga bala sa ulo ay namatay noon din. Blangko pa ang pulisya sa motibo sa isi­nagawang pag­paslang sa biktima.

Show comments