MMDA isang buwang maglilinis ng estero
MANILA, Philippines - Magsasagawa ng isang buwang kampanya sa paglilinis ng mga estero sa Kamaynilaan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) umpisa sa Agosto 8 upang matiyak na tuluy-tuloy ang daloy ng tubig-baha ngayong walang tigil na ang pag-ulan.
Tinawag ng MMDA ang programa na “August Estero Blitz” na pangungunahan ng mga tauhan ng Flood Control and Sewerage Management Office at Metro Parkway Clearing Group.
Sinabi ni Chairman Francis Tolentino na target nila na maglinis ng dalawang estero kada araw sa buong buwan ng Agosto. Kasunod ang bagong programa sa “480 Minutes Clean-Up Drive” noong Hulyo 24 kung saan 8,000 tauhan ng MMDA at mga volunteers ang nagtulung-tulong sa paglilinis sa mga daluyan ng tubig sa walong pinaka-binabahang lugar sa Metro Manila.
Sa pag-aaral na isinagawa ng MMDA, nadiskubre nila ang pagbabaha ngayon sa Metro Manila ay dulot ng pagkitid ng mga estero dulot ng basura, mga istruktura sa gilid nito; at pagputol o pagtabon sa mga natural na creeks ng mga itinatayong subdibisyon.
Iginiit ni Tolentino na mas importante umano na malinis muna ang mga estero, creeks, mga ilog sa Metro Manila bago ang Manila Bay.
Dahil dito, hiniling ni Tolentino sa mga lokal na pamahalaan, barangay at mga residente na makipagtulungan sa kanila upang matupad ang kanilang layunin na malabanan ang matinding pagbabaha para na rin sa kaligtasan sa mga residente ng Metro Manila.
- Latest
- Trending