Lolo ginilitan ng itinurong holdaper
MANILA, Philippines - Hindi pinatawad ng mga kilabot na holdaper ang isang 61-anyos na lolo makaraang gilitan ito ng leeg sanhi ng kanyang kamatayan bilang ganti umano sa pagtuturo sa kanila ng matanda sa pulisya, kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Makati ang biktimang nakilalang si Rodolfo Lorilla, ng Ilang-ilang St., Brgy. Guadalupe Viejo, ng naturang lungsod.
Nahihirapan naman ang pulisya na makilala ang dalawang salaring tumakas dahil sa pagiging tikom ng bibig ng mga nakasaksi sa takot na sila naman ang balikan ng mga kriminal.
Sa ulat ng Makati police, naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi sa kanto ng Bernardino St. at EDSA sa Guadalupe Viejo. Nagtitinda umano ng tuyo ang biktima nang lapitan ng dalawang salarin at komprontahin sa ginawang pagtestigo laban sa kanila sa isang holdapan noong nakaraang linggo.
Agad namang nadakip noong nakaraang Biyernes ang dalawang salarin ngunit dahil sa wala namang pormal na nagreklamo, pinalaya rin sila ng mga awtoridad ang dalawa.
Dito na niresbakan ng mga salarin ang matanda na tinarakan ng patalim sa leeg. Nagawa pang makatakbo at makahingi ng tulong ng biktima bago ito tuluyang bumagsak sa kalsada na duguan.
Patuloy naman ngayon ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa naturang krimen upang makilala ang dalawang holdaper sa pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Bantay Bayan na umaresto sa mga salarin at upang madakip ang mga ito sa kasong murder.
- Latest
- Trending