MANILA, Philippines - Dead on arrival sa pagamutan ang isang 3-anyos na batang babae matapos mahulog mula sa bintana ng inuupahang unit na nasa ika-7 palapag ng isang condominium sa Sta. Ana, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jossaine Angel Gomez, anak ng mag-asawang sina Joseph at Joan Gomez na okupante ng Room 703 ng (Dnieper Bldg) River City Residences sa panulukan ng Delos Alas at Carreon Sts., Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni PO2 Jupiter Tajonera, dakong alas-10 ng umaga kahapon nang mabigla ang all around housemaid na si Rachel Condicion, 23, nang makarinig siya ng nagsisigawang mga tao sa ibaba ng gusali.
Kinabahan siya nang makitang nakabukas na ang isinarang bintana at hinanap ang alaga hanggang sa matukoy na pinagkakaguluhan na ang pagkahulog ng biktima mula sa kanilang bintana.
Paliwanag ni Condicion, nalingat lamang siya ay nawala sa paningin ang alaga, habang busy siya sa pagkuha ng mga sinampay na damit.
Dinampot umano niya ang bata at dinala sa Sta. Ana Hospital na hindi na umabot ng buhay. Ayon pa sa nasabing kasambahay, isa’t kalahating buwan pa lamang siya sa mag-asawang Gomez at sila lamang ng alaga ang naiiwan sa tuwing pumapasok ang mga amo sa trabaho.