MANILA, Philippines - Nilagdaan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang proklamasyon kung saan idineklara ang Agosto 1, bilang ‘Corazon C. Aquino Day’ sa lungsod kaugnay ng paggunita sa ikalawang taong anibersaryo ng pagkamatay ni dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino ngayon.
Ito naman ang nabatid mula kay chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman, kung saan pangungunahan ni Lim ang okasyon kasama ang mga city officials, employees, estudyante at mga residente sa isang wreath-laying ceremony na gaganapin sa Ninoy-Cory Aquino Park sa panulukan ng Burgos Street at Bonifacio Drive sa Ermita, Manila ngayong alas-8 ng umaga.
Sa nasabing lugar nakatayo ang monumento nina Aquino, asawang si Senator Ninoy at Cardinal Sin, na may taas na 15 talampakan.
Ipinagawa ni Lim ang monumento ng tatlo bilang pagkilala sa kanilang naitulong upang makamit ng bansa ang demokrasya.
Dagdag pa ni Lim, hindi matatawaran ang katangian ng dating pangulong Aquino dahil napanatili nito ang takot sa Diyos, kababang loob, katapatan at pagmamahal sa bansa.