MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 18-anyos na binata na umano’y big-time drug pusher, kasama ang isa pa matapos na makuhanan ng 20 gramo ng shabu sa isang buy-bust operation sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang mga suspect na sina Saber Hayatuddin at Abiya Uyag na nasa target list ng kanilang tanggapan bunga ng umano’y pagkakasangkot nito sa malawakang bentahan ng droga sa lungsod.
Ayon kay Gutierrez, ang nasamsam na droga sa mga suspect ay nagkakahalaga ng P360,000.00. Bukod pa dito narekober kay Hayatuddin ang limang pass book ng banko na may nakasulat na malalaking transaksyon ng mga nagdeposito at withdrawals na nakasaad sa dokumento.
Inamin din ng opisyal na tinangka pa silang suhulan ng kaanak ni Hayatuddin ng halagang P500,000.00 kapalit ng pagpapalaya dito.
Ayon sa ulat, naaresto ang dalawa sa may kahabaan ng Misamis St., Sto. Cristo, Bago Bantay, Quezon City ganap na alas-5 ng hapon.
Bago nito, nagsagawa muna ng surveillance ang tropa matapos na personal na isuko ng isang taxi driver ang may 1.9 kilo ng shabu na nakalagay sa itim na back pack at naiwan ng isang pasahero sa compartment ng kanyang taxi noong July 8, 2011.
Base sa salaysay ng taxi driver, inarkila siya ng isang lalake para ihatid ang maliit na piraso ng furniture at iba pang gamit ganap na alas-9 ng gabi noong July 7, 2011. Pero hindi na sumakay ang lalake at tanging ang dalawang kabataang babae at isang lalake ang ipinahatid nito sa driver sa North Edsa.
Matapos maihatid, ilang oras ang nakakalipas, nadiskubre ng taxi driver ang naturang back-pack na naiwan sa compartment.
Sa pagsisiyasat ng PDEA, si Hayatuddin ang inilarawan na lalake na nagmamay-ari ng back pack na naglalaman ng 1.9 kilo ng shabu.